Mahigpit na pinapaalalahanan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang publiko na mag-ingat sa mga manloloko na nagpapanggap na empleyado ng ahensya at ginagamit ang pangalan ng Kalihim para manghingi ng pera.
“Mariin po nating kinokondena ang ganitong klaseng panloloko. Wala po kaming binibigyan ng pahintulot sa DBM na manghingi o mangolekta ng pera para sa kahit anong transaksyon. Kapag may lumapit po sa inyo na may ganitong offer, agad ninyo po itong i-report sa amin at sa kinauukulan,” diin ni Secretary Amenah.
Nagbabala ang Kalihim matapos makarating sa kanya na may dalawang indibidwal na ginagamit ang pangalang Mariz Luna at Lilian Jordan na lumalapit sa mga pamahalaang lokal at nagpapakilalang konektado sila sa DBM. Bahagi ng kanilang modus ang pangakong makatatanggap daw ang mga lokal na opisyal ng bahagi mula sa umano’y ₱1 bilyong gantimpala mula sa Bureau of Customs kapalit ng pagbibigay muna ng advance na ₱10 milyon sa kanilang grupo.
“Wala pong katotohanan ang sinasabing gantimpala. Wala kaming programa o transaksyon na nanghihingi ng bayad sa mga local government units,” diin ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno.
“Mariin naming tinututulan ang paggamit ng pangalan ng BOC sa mga scam na ganito. Sisiguruhin namin na ang mga mahuhuli ay haharap sa kaukulang kaso,” dagdag pa ng BOC Commissioner.
Nililinaw ng DBM na matapos ang masusing beripikasyon, walang mga empleyado o opisyal na may ganitong pangalan sa ahensya. Wala ring umiiral na programa, transaksyon, o reward na katulad ng ipinapakita ng mga scammer. Ang ganitong panloloko ay malinaw na pagsasamantala at labag sa batas.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DBM sa mga kinauukulang ahensya para matukoy, maimbestigahan, at mapanagot ang mga nasa likod ng scam na ito.
Upang maiwasan ang mga scammer, middlemen, pekeng indibidwal, o mga grupong gumagawa ng maling representasyon, hinihikayat ni Sec Amenah ang publiko na manatiling mapanuri at agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Maaari kayong tumawag sa DBM Community Relations Office sa 8657-3300 local 2524 o magpadala ng email sa [email protected]. Pinapairal ng ahensya ang strict confidentiality sa pagkakakilanlan ng mga mag-uulat.

